Sinasabing ang ekonomiya ng isang bansa ay walang kakayahang umasa sa sarili lamang nito. Tayo ay nabubuhay sa isang panahon kung saan kailangang lubos ng mga bansa ang bawat isa para maabot nito ang pinakamataas na pang-ekonomikong potensyal. Ang ilan pang mga kapakipakinabang na salik sa isang matibay na diplomatikong relasyon sa pagitan ng mga bansa ay ang mga sumusunod: pambansang seguridad, matatag na soberanya, pamamahala sa mga lokal na sistemang pulitika at pagkakaroon ng mataas na tantos ng integridad sa mga mamamayan nito. Ang mga kapakinabangan nito, ang mga bansa at ang kani-kanilang gobyerno ay lumalahok sa mga kasunduan sa pagitan ng iba pang mga bansa, karatig man o hindi, kaakibat ang layunin ng kaunlaran. Mas napagpapatibay ang mga kasunduang ito sa pamamagitan ng diplomasyang pangkaunlaran.
Ang diplomasyang pangkaunlaran o development diplomacy ay ang pamamahala ng mga magagamit na yaman ng isang bansa, panloob at panlabas, pampubliko at pribado, opisyal at di-opisyal, sa aktibong pagdulog sa mga pagkakataong internasyonal sa larangan ng kalakalan, pamumuhunan, gastos at pinansyal na tulong, sa layuning pausbungin ang pagtaguyod sa ekonomiya at higit pang mapagpatibay ang ekonomiyang politikal ng isang bansa (Philippine Institute for Development Studies, 1989).
Kung hindi susuriing mabuti, madaling masasabi na lubos na makikinabang ang mga mahihirap na bansa, tulad ng Pilipinas, kung pagbubutihin nila ang kanilang diplomatikong relasyon sa mga higit na mauunlad na bansa, tulad ng Estados Unidos, Japan, at Reyno Unido; ngunit kung ating aaralin ng higit na lalim ang relasyon sa pagitan ng mahihirap at mauunlad na bansa, ating mapagtatanto na salungat sa pinaniniwalaan ng mga mainstream economist, ang mga mauunlad na bansa ang lubos na nanginginabang sa mga ganitong uri ng relasyon samantala ang mga mahihirap na bansa ay mas nasasadlak pa sa kahirapan.
Patakarang Panlabas ng Pilipinas at ang ODA
Ang kasalukuyang mga patakarang panlabas ng Pilipinas, alinsunod sa umiiral na balangkas ng pangkaunlarang diplomasya, ay nagtataguyod sa interes ng mga mauunlad na bansa na mayroon tayong kaugnayang diplomatiko. Karamihan sa mga bansang ito, tulad ng Estados Unidos at Japan, ay mayroong kapitalistang sistemang pang-ekonomiya. Ang mga patakarang panlabas sa pagitan ng Pilipinas at ng mga bansang ito ay hindi talaga mapag-palaya at nakabubuti para sa Pilipinas dahil kung susuriin, pinagbibigyan lamang ng ating gubyerno ang kagustuhan ng mga bansang ito na higit nga namang mas makapangyarihan kaysa sa Pilipinas. Dala ng banta sa pambansang seguridad, utang na loob at mga di-matakasang kasunduang bilateral, walang magawa ang ating gubyerno kundi ang magpa-ilalim sa mga makakapangyarihang bansa.
Ang Official Development Assistance (ODA) ay isa sa pinakalaganap na manipestasyon ng kaugnayang diplomatiko at internasyonal. Sakop din ito ng ating diplomasyang pangkaunlaran. Matapos palayain ang Pilipinas ng People Power I mula sa diktaturyang Marcos noong 1986, higit pang lumaganap ang mga ODA sa administrasyong Aquino na napagtibay din ng mga sumunod na administrasyon. Ang ODA ay ang mga pautang at pamigay ng mga donanteng bilateral, institusyong multilateral, at higit na mauunlad na bansa sa mga mahihirap na bansa sa layunin diumanong mapaunlad at mapagbuti ang lagay ng pamumuhay ng mga mamayanan ng mahihirap na bansa.
Maganda man ang nasabing layunin nito, hindi talaga tuwirang nakakatulong ang ODA sa ekonomiya ng Pilipinas bagkus ay nagdudulot pa ng mga suliranin hindi lamang pang-ekonomiya ngunit maging mga problemang panlipunan at pang-kapaligiran. Ang mga grants o pamigay ay hindi nagagastos ng epektibo at tama dahil sa korupsyon at bulok na sistema ng gubyerno bunga ng kakulangan sa aninaw (transparency) at pananagutan. Isa pa, iginigiit ng mga bansang nagbibigay ng ODA na sa kanila diumano dapat manggaling ang mga kasangguni o consultants na ipapadala sa ating bansa upang tumulong. Ito ay hindi patas para sa atin sapagkat kakailanganin pa nating paswelduhin ang mga ito ng dolyares.
May mga hatid ding suliranin ang paglilipat ng mga teknolohiya mula sa mga bansang pinanggalinang ng ODA patungo sa ating bansa. Kadalasa’y may kakulangan sa kasanayan at kaalaman ang ating mga manggagawa sa mga bagong teknolohiya. Sa kadahilanang ito, hindi rin natin magamit nang mahusay at episyente ang mga teknolohiyang ito bagkus nagiging dahilan pa ng walang kwentang pagkakagastusan. Halimbawa na lamang nito ang nuclear power plant sa Bataan. Isa pang alalahaning dulot ng paglipat ng teknolohiya ay ang konsentrasyon nito sa kalunsuran, lalong lalo na sa Metro Manila. Halimbawa nito ang MRT at LRT. Tayo ay nagiging metrocentric kung kaya hindi matugunan ang pangangailan sa mga kanayunan. Ang polusyon at basurang hatid ng mga di-episyenteng teknolohiya ay kasabay rin ang konsentrasyon sa kalunsuran.
Higit na Kasadlakan para sa Pilipinas
Dahil sa di-makatao at di-maka-Pilipinong diplomasyang pangkaunlaran na umiiral sa pagitan ng ating bansa at higit na makakapangyarihang bansa, higit pa tayong nasasadlak sa kahirapan at panlipunang biktimisasyon ng kawalan ng katarungan at pagkakapantay-pantay. Mas pinapalala pa nito ang ating kalagayan sa mapanirang siklo ng pagpapakandili o dependensya. Ang pagpapakandili rin ang pinananiniwalaang pangunahing dahilan ng baliktad na pagsulong.
Ang mga bansang katulad ng Estados Unidos at Japan ay hawak sa leeg ang ating gubyerno. Madali nila itong mauutusang gumawa ng mga patakarang panlabas na magsusulong ng kanilang mga interes. Dahil na rin takot ang ating gubyernong mawalan ng proteksyong militar at pang-ekonomiya, nagmimistulan tayong alagang hayop na susunod na lamang sa nanaisin ng ating amo. Hindi sensitibo ang mga niluklok natin sa puwesto sa mga tunay na pangangailangan ng mga mamamayang Pilipino. Marahil ito ay dahil hindi naman nila nararanasan ang mga pangunahing suliranin ng ordinaryong masa tulad ng kagutuman, kamangmangan at pagsasamantala.
Ano ang maaaring gawin ng ating gubyerno?
Nabanggit na karamihan sa mga diplomatikong ugnayang mayroon ang Pilipinas ay sa pagitan ng mga kapitalistang bansa. Ang mga ugnayang ito ay maaari nating sinagin sa panahon matapos ang Cold War kung kailan naging mas malapit ang ating bansa sa Estados Unidos, isa sa dalawang superpowers. Dahil na rin dito, nalimitahan ang ating ugnayan sa Soviet Union at mga bansang kaalyado nito. Hindi natin namaksimisa ang mga pang-ekonomikong oportunidad na maaaring naidulot ng mga bansang ito sa atin. Hindi rin nabigyang pansin ang pagkakataong makipagkasundo o mangalakal sa kanilang mga ekonomiya. Ang unang dapat gawin ng ating gubyerno ay ang kumawala sa mga nagtutunggalingang ideolohiya (sosyalismo laban sa kapitalismo) at subukang pagtibayin ang diplomatiko at pang-ekonomiyang kaugnayan nito sa mga sosyalistang bansa dahil maaaring magbukas ito nang marami pang pintuan ng oportunidad para sa ating ekonomiya.
Ikalawa, dapat linangin ng ating pamahalaan ang kakayahan ng mga manggagawa sa iba’t ibang ahensya ng gubyerno, lalong lalo na ang mga nasa Kagawaran ng Ugnayang Panlabas (Department of Foreign Affairs o DFA). Dahil sa mabilis na pagsulong ng teknolohiyang pang-transportasyon at komunikasyon, ang pagkuha, pagproseso, paglipat at paglinang ng impormasyon ay naging higit na kumplikado at magastos. Nagbigay-daan din ito sa iba’t ibang daan ng impormasyon na minsa’y nahahakdawan ang DFA. Nagreresulta ito sa mga transaksyong hindi nakokontrol at namo-monitor ng kagawaran. Sa kadahilanang ito, marapat lamang na linangin ng ating gubyerno ang kaalaman at kasanayan ng mga empleyado sa paggamit ng mga akmang teknolohiya na maaaring gamitin sa pang-ekonomiyang pagtatasa. Magbibigay daan ito sa epektibong pagtataguyod at pagpapalaganap sa pandaigdigang eskala ng ating mga produkto, teknolohiya, yamang-tao, at ideolohiya. Inaasahang magreresulta ito sa paglakas ng ating pwersa at impluwensyang pang-ekonomiya at politikal.
Panghuli, dapat bigyang pansin ng ating gubyerno ang papel ng iba’t iba pang sektor ng lipunan sa usapin ng diplomasyang pangkaunlaran. Hindi lamang dapat pwersa ng estado ang bumabalangkas ng mga patakarang panlabas dahil maging ang pampublikong sektor, kabilang na ang mga non-governmental organizations, people’s organization, at akademya, ay may lubos na kaalaman at kakayahang sumali sa mga diskusyon ukol sa polisiya at pamamalakad. Bukod pa rito, dapat lamang na bigyan sila ng karapatang mangialam dahil ang mga interest groups na ito ay ang mga pwersang nagtataguyod ng interes ng karamihan. May maka-Pilipinong oryentasyon at pag-aangkop ang mga grupong ito na siyang tunay na kailangan sa pagbalangkas ng mga patakarang poprotekta sa mga ordinaryong mamamayan.